CALIKID NORTE ELEMENTARY SCHOOL
Moving Forward for Excellence
Dalawang malalaking proyekto, inaasahang maitatayo sa Calikid Norte Elementary School ngayong taon
Allan David P. Valdez (March 20, 2018)
Dalawang malalaking proyekto ang inaasahang maitatayo sa Calikid Norte Elementary School ngayong taon.
Una na rito ang water supply system na sasagot sa problema sa kakulangan ng suplay ng tubig sa Calikid Norte Elementary School.
Sa pakikipag-ugnayan ng punong-guro ng Calikid Norte Elementary School na si G. Allan David Valdez sa City Engineering Office, binigyan si G. Valdez ng kasiguruhan na maitatayo ang water supply system sa paaralan.
Dahil hindi pa naaabot ng Cabanatuan City Water District ang Brgy. Kalikid Norte, hirap ang paaralan na masuplayan ng tubig lahat ng silid-aralan.
Kasama rin sa inaasahang maitatayo ang humigit kumulang 300 metrong perimeter fence. Sa kasalukuyan kasi ay, hindi pa kubkob ng bakod ang kalahati ng lupang sakop ng Calikid Norte Elementary School.
Tiniyak naman ni Administrative Officer Emma San Pedro kay G. Valdez na maisasakatuparan ngayong taon ang pagpapabakod dahil inaprubahan na umano ang proyekto ng City Engineering Office.
Umaasa naman ang buong pamunuan ng Calikid Norte Elementary School na maisasakatuparan ang dalawang proyekto sa lalong madaling panahon.