CALIKID NORTE ELEMENTARY SCHOOL
Moving Forward for Excellence
Pagpapayaman ng kultura, sining, target ng DepEd; CaNor, umaksiyon na
Allan David P. Valdez (February 17,2019)
Pinasisigla ngayon sa Calikid Norte Elementary School (CaNor ES) ang sining ng katutubong sayaw alinsunod sa isa sa mga 10-point agenda ng Kalihim ng Edukasyon, Leonor Briones.
Ayon kay Kalihim Briones, target ng Kagawaran na buhayin at pasiglahin ang pagmamahal sa kultura at sining sa mga paaralan.
Kamakailan ay ibinida ng mga batang Calikid Norte o batang CaNor sa isang okasyon sa paaralan ang kanilang masining na pag-indak ng mga katutubong sayaw bilang gawaing nagpapamulat sa kanila na ang mga katutubong sayaw ay bahagi ng mayamang sining at kultura ng bansa.
Nakipagpartner na rin ang CaNor ES sa Center for Community Transformation (CCT), isang non-government organization na tumutulong sa pagpapalaganap ng pagmamahal sa sining at kultura, na nakabase mismo sa Brgy. Kalikid Norte.
Tinuturuan ng tagapagsanay mula sa CCT ang mga batang CaNor ng mga pangunahing steps ng iba’t-ibang katutubong sayaw gayundin ang pagtuturo ng kasaysayan ng mga ito.
Sinimulan noong Setyembre ang pagtuturo ng mga rural dances na susundan naman ng mga regional dances.
“Palalawigin pa ang programa sa pamamagitan ng pagdaragdag pa ng mga pagsasanay sa mga mag-aaral hindi lamang sa pagsasayaw kundi maging sa paggamit ng kagamitang pangmusika at pagguhit,” wika ni G. Allan David P. Valdez, punong-guro ng CaNor ES.