CALIKID NORTE ELEMENTARY SCHOOL
Moving Forward for Excellence
School intramurals isinagawa sa Calikid Norte Elementary School sa buwan na ‘di maulan
Allan David P. Valdez (March 12,2019)
Halos patapos na ang taong panuruan at mga paligsahang pampalakasan subalit kamakailan pa lamang isinagawa ang school intramurals sa Calikid Norte Elementary School.
Ayon sa punong-guro ng Calikid Norte Elementary School na si G. Allan David Valdez, itinaon talaga na sa buwan na di maulan katulad ng Pebrero at Marso ganapin ang Palaro 2019 ng paaralan upang mas maging maganda at maayos ang pagdaraos nito, hindi kagaya ng kapag buwan ng Agosto at Setyembre na maulan na at karaniwang humahantong sa suspensiyon ng programa.
Magandang pagkakataon rin ani principal Valdez ang ginawang palaro ngayong taon upang makita na kaagad ang mga potensiyal na mga manlalarong lalahok sa sports clinic na gaganapin sa paaralan sa bakasyon na siyang isasabak naman ng Calikid Norte Elementary School sa mga darating na sports events.
Kakaiba rin ang ginawang Palaro 2019 ng Calikid Norte Elementary School dahil hinati sa mga grupo ang mga mag-aaral mula sa kindergarten hanggang Grade VI.
Nagkampeon sa paligsahan ang koponan ng Yellow Star na nakaipon ng apat na ginto, isang pilak at isang tansong medalya sa walong sports events.
Pumangalawa ang Red Heart na nakasungkit ng tig-dalawang ginto at pilak at isang tanso.
Samanatalang pumangatlo naman ang Blue Diamond na may apat na pilak at isang tansong medalya.
Ang Calikid Norte Elementary School ang kasalukuyang kampeon sa paligsahang pampalakasan sa ika-10 distrito ng Sangay.