CALIKID NORTE ELEMENTARY SCHOOL
Moving Forward for Excellence
Brigada Concert sa CaNor nagtampok ng talento ng mga stakeholders
Allan David P. Valdez (March 19,2019)
Bumida ang iba’t-ibang talento ng mga stakeholders ng CaNor o Calikid Norte Elementary School sa kanilang Brigada Concert kamakailan.
Nagpakitang gilas sa una nilang pagtatanghal ang bagong tatag na Calikid Norte Salinlahi Dance Troop na nagpabilib sa mga manunuod ng kanilang sayaw na Pandanggo sa Ilaw, Itik-Itik, at Maglalatik.
Salinlahi Dance Troop ang siyang tumugon sa adhikain ng DepEd na linangin at buhayin ang sining at kulturang Pilipino sa mga paaralan.
Kinagiliwan rin si Lola Bastunera, ang sitenta anyos na canteener ng CaNor, na bagamat may edad na ay maindak pa ring sumayaw gamit ang kaniyang baston.
Iba’t-ibang maindak na sayaw rin ang ibinida ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6.
Bukod sa mga sayaw ay nagpakitang-gilas rin ang mga mang-aawit, manunula, at beat boxer ng Calikid Norte Elementary School.
Nagpamalas rin ng kagalingan ang iba pang imbitadong mga stakeholders kagaya ng bandang Jesus’s People Band at John Michael Quirante sa kanilang rock and roll na performance.
Hindi rin nagpahuli ang mga guro sa kanilang nakatutuwang sayaw gayundin ang punong guro na umawit sa dulo ng palabas.
Mahigit isandaang mga performers ang nagtanghal sa income-generating activity ng Calikid Norte na bahagi ng Brigada Eskwela 2019.