CALIKID NORTE ELEMENTARY SCHOOL
Moving Forward for Excellence
Linis Ligpit Program, inilunsad sa Calikid Norte Elementary School
January 15, 2018
Inilunsad sa Calikid Norte Elementary School ang komprehensibo nitong programang pangkalinisan at pangkaayusan na Linis Ligpit Program.
Ayon sa bagong talagang punong-guro ng Calikid Norte Elementary School na si G. Allan David Valdez, layunin ng programa na paigtingin ang kalinisan at kaayusan ng paaralan sa pamamagitan ng iba’t-ibang gawaing posibleng isagawa.
Kabilang sa mga gawaing ito na sinimulan nang isakatuparan ay ang pagpapatigil sa pagsusunog ng mga basura ng paaralan na nakaugaliaan nang gawin sa Calikid Norte Elementary School.
Kaalinsabay ng pagpapatigil sa pagsusunog ng mga basura ay ang pagsesegregate rin ng mga basura.
Tanging mga patapong plastic na basura na lamang ang kinokolekta ng basurero dahil ang mga papel at plastic bottles ay ibinebenta na ng utility worker ng Calikid Norte Elementary School samantalang ang mga dahon ay iniipon sa likuran ng paaralan.
Tinugunan rin ang pagrerepair ng tatlong span na sirang bakod sa harap ng paaralan at seguridad ng opisina ng punong-guro.
Ipinatupad na rin ang supervised recess na nakatulong upang maiwasan ang aksidente sa mga bata at pagkakalat sa school grounds.
Ayon kay G. Valdez, prayoridad niya ang kaligtasan ng mga mag-aaral at pagbibigay sa mga ito ng paaralang kaaya-aya sa pagkatuto.